Kayumangging Puso
Sa tuktok ng mundo ngayo'y nakatayo
Masilip lang ang pinanggalingan ako pa ay dumayo
Dumadausdos sa mga mabubuting hangarin
Ang lahat ng ito'y pinagsisikapan at ipinapanalangin
Malayo sa bayang tirahan ng aking pagkatao
Naalala ko ang maraming alaala na nakaguhit na sa aking puso
Pati na rin mga bagay sa aki'y naituro
Ng mga pinakamarurunong at pinakamapagmahal na tao sa mundo
Magmula pagkabata ako ay naiiba
Puti kasi ang balat ko minana sa aking Amerikanong Ama
Mestisang bangus ito'y isa lang sa aki'y tawag nila
Higit sa kulay ang aking kabuuan ay tinanggap ko bilang pagpapala
Mula sanggol kwento ng aking mga magulang ko ay bogbog na ako sa pagmamahal at pag-aaruga
Labis na pasasalamat at ligaya sa loob nila ay nadama
Sila ang unang mga guro na sadyang dakila
Sa buong mundo mga pangalan nila ay ipapakilala
Laking ligaya ko na lumaki ako sa isang simpleng lugar
Kung saan natutunang maging mapagpasalamat at mapagbigay
Kung saan nagkaroon ng mga hindi makakalimutan at nakakatuwang karanasan
Kung saan mga mabubuti at mapagkalingang mga tao buong-buo akong hinagkan
Iba man ang kulay ng balat ko nagpapatuloy pa rin ako na maging isang mabuting Pilipino
Ngayon ma'y kinikilala ko ang isa pang lahi na nanalaytay sa aking dugo
Sa pagkataong halu-halo mananaig ang ugat nito
Nananaig ang kayumangging puso at masaya ko itong ipapamahagi sa mundo

Comments
Post a Comment